/Ha-ra-ya/

pagliliwaliw ng isip, pagmamasid, pagkilala sa kariktan ng isang
bagay...pagkatakas mula sa pisikal na anyo ng buhay habang patuloy na kumakapit
sa totoong diwa...

haraya- makinig.makimasid.mangarap.


Monday, March 22, 2010

Delubyong Sumalakay

-kim o dewyze-

Namalasan ko ang isang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga makukulay na halamang animo’y sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na gapiin ang mga talahib at damong ligaw; mga halamang animo’y nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan sa luntiang bukirin na aking nasilayan; mga ulap na nangungutya sa aking pagkaumid sa isang tanawing matagal ko nang ‘di natatanaw sa lugar na kinalakhan. Naroon rin ang malinaw na tubig ng ilog na animo’y naging salamin ng aking kaluluwa at nang aking kinalawkaw, nagsingsing-singsing ang mumunting alon na panandaliang nagpalabo sa salamin. Hanggang sa ‘di inaasahang sandali, lumatag ang dilim sa paligid at tuluyang nabulag ang mga mata kong pinagkaitan ng liwanag, nang isa pang pagkakataong malasin ang kaaya-ayang tanawin.

At bigla na lang akong nagising mula sa isang panaginip na dulot ng isang katamarang pagkaidlip. Bigla na namang hinampas ang isang katotohanang pilit kong iwinakli sa diwang tigib. Naparam na ang katiningan ng dating mga gunam-gunam at tuluyang naglaho ang pintuho ng dating masamyong pabango ng kamusmusan; Tuluyang umalikawkaw ang tubig ng mga guni-guni subalit hindi na muling maiibabalik ang larawan ng nakalipas. Isang katotohanang pilit na ‘di pinaniniwalaan, pilit na ‘di pinakikingggan sapagkat mahirap tanggapin ang anumang sitwasyong kailanma’y ‘di na kayang mabago ng panahon.

Ilang buwan ang nakakaraan, umusbong ang mga luha nang mahati ang langit at lupa, nang gumuho ang moog na pinagtayuan ng panghabangbuhay nga mga pangako, nang tuluyang masira ang kastilyo ng isang bansang lugmok sa mga inosenteng nilalang na walang kaamaamang mangyayari ang isang delubyo. Noong Enero 12, 2010, isang petsang panghabangbuhay na maitatalaga sa pahina ng kasaysayan, nakaranas ang Haiti ng isa sa mga pinakamalagim na lindol sa dekadang ito. Maraming buhay ang tuluyang lumikas, mga kapamilyang lubos na nagdadalamhati at naghihirap sa kawalan at marami rin ang patuloy na umalintana sa kapahamakang maaari pang mangyari.

Sa pagkakataong ‘yun, namulat ako sa katotohanang sadyang dapat na nating pahalagahan ang kalikasan. Sa mga sumunod na linggo, halos isang hulipo ng iba’t ibang balita tungkol sa mga masasamang nangyayari sa ating kalikasan ang aking nasaksihan. Subalit muli na namang umusbong ang katotohanang panghabangbuhay ng nakatatak sa aking utak, isang pabalik-balik na paalala na alam kong nakatatak din sa isipan ng bawat isa- na tayo mismong mga tao ang siyang sumisira sa inang kalikasan at sa atin rin naman babalik ang lahat ng kawalang-hiyaan na ating nagawa. Kaya’t habang maaga pa, sana ay alagaan nating ang kalikasan- isa sa mga pinakamahalagang biyaya na ibinigay ng Panginoon.

No comments:

Post a Comment